03/04/2026
Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand “PBBM” Marcos Jr. ang mahalagang papel ng mga barangay sa mabuting pamamahala at sa paghahatid ng serbisyong tunay na nararamdaman ng mamamayan.
Kaugnay nito, pag-upo pa lamang ni Hon. Mayor Arcadio “Najie” B. Gapangada, Jr. bilang punong-lungsod ng San Pablo, agad niyang ipinag-utos kay G. Rick Jayson Tatlonghari ang pagbuo ng isang konkretong hakbang upang matiyak na ang serbisyo ng pamahalaang lungsod ay direktang maramdaman sa bawat barangay, at naibabalik sa mamamayan ang halaga ng kanilang buwis sa anyo ng mabilis, maayos, at makataong serbisyo publiko.
Bilang tugon, agad na binuo ni G. Tatlonghari ang programang Ugnayang NBG (Nasa Barangay ang Gobyerno)—isang inisyatibang naglalapit sa City Hall at sa taumbayan sa pamamagitan ng pagdadala ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang lungsod sa mismong mga barangay. Sa ilalim ng programang ito, sama-samang umiikot ang mga pangunahing departamento at tanggapan ng lungsod, kasama ang opisina ng alkalde, upang maihatid ang iba’t ibang serbisyong kinakailangan ng mamamayan.
Kabilang sa mga serbisyong matagumpay na naibaba sa mga barangay ay ang libreng medikal na konsultasyon at pamamahagi ng gamot, legal at dokumentaryong tulong, serbisyong panlipunan at pangkabuhayan, mga programang pang-agrikultura, pangkaligtasan at pangkapaligiran, gayundin ang mga inisyatiba para sa edukasyon, kabataan, at iba pang serbisyong pangkomunidad. Dahil dito, ang Ugnayang NBG ay nagsilbing isang “one-stop service caravan” na tumutugon sa pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa antas-barangay.
Ang Ugnayang NBG ay malinaw na sumasalamin sa adhikain ni Mayor Gapangada na gawing inklusibo, abot-kamay, maagap, at episyente ang pamamahala. Isa itong kongkretong patunay ng isang pamahalaang hindi naghihintay na lumapit ang mamamayan, kundi mismong lumalapit sa kanila upang maglingkod.
Sa panig ng pamahalaan, naging mahalagang mekanismo ang programa upang higit na mapalakas ang ugnayan ng City Hall at ng mga barangay, at upang mas maunawaan ang tunay na kalagayan at pangangailangan ng bawat komunidad.
Sa panig naman ng mamamayan, naging patunay ito na ang pamahalaan ay tapat sa tungkulin at handang tumugon sa kanilang araw-araw na pangangailangan sa paraang mas mabilis, mas madali, at mas makabuluhan.
https://www.facebook.com/share/r/1Bca5duE7a/?mibextid=wwXIfr