24/10/2025
DALAWANG DRUG SUSPECT, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA RODRIGUEZ, RIZAL
Isa sa mga naaresto, nahulihan din ng baril at bala!
Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS) ang dalawang lalaki sa isinagawang buy-bust operation na may koordinasyon sa PDEA Region 4A (PDEA 025) sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina:
Alyas “Jun”, 34 taong gulang, walang trabaho, residente ng Brgy. Mascap, Rodriguez, Rizal — nahaharap sa paglabag sa RA 9165 Seksyon 5 at 11 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act).
Alyas “Bong”, 55 taong gulang, walang trabaho, residente rin ng Brgy. Mascap, Rodriguez, Rizal — nahaharap sa paglabag sa RA 9165 Seksyon 5 at 11.
Ayon sa ulat, bandang 12:20 ng madaling araw ay nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng isang (1) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer.
Pagkatapos ng transaksyon, agad na inaresto ang mga suspek. Narekober mula kay alyas Jun ang tatlong (3) pirasong Php100 buy-bust money, karagdagang Php300 cash, at isang (1) Caliber .38 revolver na may tatlong (3) live ammunition.
Ang kabuuang tinatayang timbang ng nakumpiskang shabu ay 15 gramo na may halagang Php102,000.00, batay sa standard drug price.
Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa kaukulang drug test at forensic examination.