05/06/2026
๐๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐ป๐ด๐ฎ๐ ๐๐ถ๐ด๐ฎ ๐ป๐ด ๐บ๐ด๐ฎ ๐ฆ๐: ๐ฆ๐ฒ๐ฟ๐ฏ๐ถ๐๐๐ผ ๐ผ ๐ฆ๐ฒ๐ฟ, ๐๐ถ๐๐๐ผ?
Itinatag ang Sangguniang Kabataan (SK) upang hubugin ang kabataan, paigtingin ang kanilang kakayahan sa pamumuno, at ilayo sila sa bisyo. Ang mga liga at palarong pangkabataan sa barangay ay dapat na representasyon ng misyon na ito. Dapat itong maging daan upang maituro ang disiplina, teamwork, at malusog na kompetisyon. Ngunit sa maraming pagkakataon, tila kabaligtaran ang nangyayari.
Isang halimbawa ang mga palaro sa barangay. Manalo sa laro, mag-iinom. Matalo sa laro, mag-iinom din. Ang dapat sana'y pagdiriwang ng pagtutulungan at sportsmanship ay nagiging normalisasyon ng pag-inom. Sa halip na palakasin ang mabubuting asal at pagpapahalaga, ang aktibidad ay nag-iiwan ng mensaheng tila bahagi ng karanasan ng pagiging atleta o manlalaro ang pag-inom ng alak.
Dito pumapasok ang tanong na nasa pamagat: Ang mga programang ito ba ay tunay na "Serbisyo" para sa paghubog ng kabataan, o nagiging "Ser, Bisyo" na naglalapit sa kanila sa mga gawaing dapat sana'y iniiwasan? Ang kabataan ay madaling maimpluwensyahan. Kapag pinapayagan, kinukunsinti, o mismong pinangungunahan ng mga lider ang ganitong gawain, unti-unti nitong sinisira ang layunin ng mga programang nakalaan para sa kabataan.
Nakakalungkot isipin na sa ilang pagkakataon, mas nagiging sentro ng usapan ang inuman pagkatapos ng liga kaysa sa mga aral ng disiplina, paggalang, at pagkakaisa na dapat sana'y natututuhan sa palaro. Kung ang tagumpay ay ipinagdiriwang sa alak at ang pagkatalo ay nilulunod din sa alak, ano ang mensaheng ipinapadala natin sa susunod na henerasyon?
Samantala, malinaw sa Philippine Youth Development Plan na ang Active Citizenship ay isa sa mga mahalagang larangan ng makabuluhang partisipasyon ng kabataan. Ito rin ang isa sa mga pangunahing batayan ng Annual Barangay Youth Investment Program (ABYIP) ng bawat Sangguniang Kabataan. Ang Active Citizenship ay hindi lamang pakikilahok sa mga aktibidad. Ito ay pagiging responsableng mamamayan na may malasakit sa komunidad, may paggalang sa batas, at may kakayahang maging bahagi ng solusyon sa mga suliranin ng lipunan.
Bilang mga youth leaders at young adults ng ating mga komunidad, tungkulin nating maging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Hindi tayo dapat maging pasimuno ng inuman o anumang gawaing maaaring magdulot ng kaguluhan at masamang impluwensya. Sa halip, dapat tayong magsilbing huwaran sa responsableng pag-uugali at positibong pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad.
Panahon na rin upang lawakan ang ating pananaw pagdating sa sports development. Maganda ang basketball at patuloy itong magiging mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino. Ngunit hindi dapat dito lamang umikot ang mga programa para sa kabataan. Marami pang ibang larangan ng sports tulad ng volleyball, badminton, athletics, football, table tennis, chess, at iba pa na maaaring maging daan upang mas marami pang kabataan ang mahikayat na makilahok. Hindi lahat ay manlalaro ng basketball, ngunit lahat ay may kakayahang umunlad kung mabibigyan ng tamang oportunidad.
Hindi ito panawagan upang talikuran ang mga liga. Sa halip, ito ay paalala upang maibalik ang tunay na layunin ng mga ito. Maaaring magkaroon ng mas malinaw na hangganan laban sa pag-inom, mas makabuluhang mentorship programs, community-building activities, at mga gawaing tunay na nakapagpapaunlad sa kabataan.
Ang Liga ng mga SK ay magiging tunay na serbisyo lamang kung ang bawat programa ay nagsusulong ng tamang pagpapahalaga, mabuting halimbawa, at malasakit sa kapwa. Kung hindi, mananatiling napapanahon ang tanong na nasa pamagat:
Liga para sa Serbisyo, o Liga para sa "Ser, Bisyo?"