01/07/2025
Payahag ni Nanay Mimi hinggil sa pagkakakulong ng Imus 5
Labintatlong taon akong regular na manggagawa. Ngunit napilitan akong magbitiw sa trabaho nang ipilit ng kompanya na ilipat kami sa isang agency na pag-aari rin nila. Sa isip ko, pagkakataon ko na itong personal na maalagaan ang tatlo naming anak. Mga anak na halos inaasahan sa bunso kong kapatid at sa aking ina habang kami ng mister ko ay nasa trabaho.
Ngunit dahil sa kakulangang pinansyal, naranasan naming mag-anak ang hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw. May mga gabing natutulog kaming kumakalam ang tiyan. Napalayas kami sa inuupahang bahay dahil sa kakulangan sa pambayad. Napilitang kaming tumira sa gilid ng Tullahan River. Doon kami nasalanta ng Bagyong Ondoy at inanod ang lahat ng aming pinaghirapan.
Sa relokasyong ipinangakong magpapabuti sa amin, doon ko lalong naunawaan ang katotohanan. Hindi kailanman prayoridad ng gobyerno ang maralita. Sa halip, kami ang sinisingil ng mahal na tubig, kuryente, at buwanang hulog sa bahay. Ginagawang negosyo ang batayang serbisyo. Ginagatasan ng estado ang mahihirap habang ipinapasa sa amin ang pasanin ng tinatawag nilang kaunlaran na hindi naman namin nararamdaman.
Kaya’t tumindig ako bilang lider. Ninais kong magkaroon ng boses ang aming komunidad at makipagdayalogo sa mga ahensya ng pamahalaang dapat ay para sa mamamayan. Ngunit sa halip na pakinggan, ang mga mamamayang nagtatanong at kumikilos ay pinapatahimik. Sa ilalim ng magkakasunod na palpak, pahirap, at pasistang pamumuno, ginawang krimen ang sama-samang pagkilos, ang pagtatanong, at ang pagtutol sa mali.
Alam kong sina Onad, Shinice, at iba pang kabataang biktima ng mapangwasak na mga proyekto ng gobyerno ay tumindig dahil sa pagkakait ng disenteng kabuhayan sa kanilang mga magulang, sa demolisyon ng kanilang tahanan, sa red-tagging, harassment, at iba pang porma ng karahasan. Ang kanilang sining na sumisigaw ng katotohanan tungkol sa kahirapan at pang-aapi sa mga maralita ay hindi krimen.
Kung walang gutom, kung may sapat na sahod, kung walang magsasaka at mangingisdang inaapi, kung walang katutubong pinalalayas, kung lahat ng kabataan ay may pagkakataong makapag-aral, kung hindi kailangang pumila nang magdamag sa ospital para lang magamot, kung hindi ninanakawan ng mga dayuhan at korporasyon ang ating likas na yaman, wala na sanang dahilan para mag-aktibismo. Wala na sanang tulad nina Onad at Shinice na ikinukulong dahil lamang sa paggamit ng sining at paninindigan para sa bayan.
Hindi krimen ang maghangad ng mas maayos na kinabukasan. Hindi krimen ang ipaglaban ang karapatan ng mas nakararami. Dapat resolbahin ng estado ang ugat ng mga hinaing ng mamamayan. Dapat maging tunay na makabayan, maka-tao at maka-Diyos ang mga pinuno ng ating bansa.
May mali kaya may paglaban. Ngunit kailanman, hindi mali ang lumaban para sa karapatan at kagalingan ng nakararami.