16/03/2026
OFFICIAL STATEMENT
Mariin naming itinatanggi ang kumakalat na mga ulat at larawan ng mga tarpaulin sa ilang bahagi ng Quezon City na umanoโy nagtatampok kina Mike Defensor at Aiko Melendez bilang magka-tandem para sa nalalapit na lokal na halalan. Walang anumang kinalaman ang Malayang Quezon City sa paglalagay o pagpapalaganap ng mga naturang materyales at hindi rin ito nagmumula sa aming organisasyon.
Nais din naming linawin na napakaaga pa upang pag-usapan ang anumang pormal na hakbang kaugnay ng halalan sa 2028. Sa kasalukuyan ay wala pang ginagawang general assembly ang Malayang Quezon City at wala pa kaming pinipili o ineendorso na sinumang kandidato para sa darating na eleksyon.
Naniniwala kami na sa panahong ito ay mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga mamamayan kaysa maagang pamumulitika. Maraming seryosong suliranin ang kinakaharap ng ating mga kababayan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kawalan ng trabaho, pagmahal ng mga pangunahing bilihin, at kakulangan sa mahahalagang serbisyong panlipunan. Kasabay nito ang mga usapin ng mahinang pamamahala at mga alegasyon ng katiwalian sa pambansang gobyerno na nangangailangan ng agarang aksyon at pananagutan.
Gayunpaman malinaw ang aming paninindigan. Matibay naming sinusuportahan si Mike Defensor sa kanyang walang takot na pagtindig para sa paghahanap ng katotohanan, lalo na sa paglalantad at pag-iimbestiga sa mga seryosong usapin tulad ng flood control corruption.
Itinatag ang Malayang Quezon City upang ipaglaban ang katotohanan, pananagutan, at mabuting pamamahala. Ang mga prinsipyong ito ang patuloy na isinusulong ni Mike Defensor ngayon. Sa diwa ng paglilingkod sa mamamayan at paninindigan para sa tama, nananatili kaming tapat sa adhikaing itaguyod ang isang pamahalaang tunay na malaya sa katiwalian at nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayan ng Quezon City.
EDWIN DAYRIT RODRIGUEZ
President, Malayang Quezon City
Malayang Quezon City