28/08/2026
Pagpapaunlad ng Organikong Agrikultura, tinalakay sa Committee Hearing
Isinagawa ngayong araw, August 26, 2026 ng Sangguniang Bayan ang Committee Hearing para sa panukalang ordinansa na naglalayong itaguyod, palaganapin at paunlarin ang organikong agrikultura sa ating bayan, gayundin ang paglalaan ng kinakailangang pondo para sa pagpapatupad nito.
Pinangunahan ang pagdinig ni SB Ruben M. Pastelero, Committee Chairman on Fisheries and Coastal Resource Management, kasama ang mga miyembro ng komite. Dumalo rin si Mr. Jimboy Sandiego, Acting Municipal Agriculturist, upang makibahagi sa masusing talakayan at pagbibigay ng mga kinakailangang inputs para sa higit pang pagpapahusay at pagpipino ng mga probisyon ng Proposed Ordinance.
Sa pagtalakay, binigyang-pansin ang mga mahahalagang mekanismo na maaaring maging bahagi ng programa ng bayan para sa organikong agrikultura, kabilang ang pagpapalakas ng mga organisasyon ng organic farmers, teknikal at pinansyal na suporta, certification at Participatory Guarantee System (PGS), organic trading posts at market assistance, consumer education, gayundin ang pagtatatag ng mga lokal na sentro at bangko ng organikong binhi.
Layunin ng panukalang ordinansa na magkaroon ang Morong ng mas malinaw at pangmatagalang balangkas para sa pagpapaunlad ng sustainable at environment-friendly na pagsasaka, habang sinusuportahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda, pinangangalagaan ang likas na yaman at itinataguyod ang kaligtasan at kalidad ng pagkain para sa ating mga mamamayan.
Patuloy ang Sangguniang Bayan sa masusing pag-aaral at konsultasyon upang matiyak na ang bawat probisyon ng panukalang ordinansa ay makabuluhan, napapanahon, maisasakatuparan at tunay na makatutulong sa sektor ng agrikultura ng Morong.