11/12/2025
Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center Ipinamalas ang Serbisyong Tapat sa Programang “Alagang PhilHealth”
Sa patuloy na pagtaguyod ng maaasahan at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pangasinense, lumahok ang PhilHealth Regional Office I sa programang “Alagang PhilHealth” na tampok sa Radyo Pilipinas Tayug noong Disyembre 5, 2025. Kasama sa nasabing programa ang Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center (CFERMTC) bilang isa sa pinakaaktibong katuwang sa pagpapatibay ng serbisyong pangkalusugan sa Rehiyon 1.
Sa isinagawang panayam, tinalakay ang mahahalagang impormasyon hinggil sa iba’t ibang benepisyo ng PhilHealth, mga bagong programang inilunsad, at mga repormang ipinatutupad upang higit pang mapabilis, mapagaan, at mapahusay ang serbisyo para sa lahat ng miyembro. Kabilang dito ang mga benepisyong maaaring ma-avail ng mga pasyente, at ang patuloy na pagsisikap ng PhilHealth na gawing mas accessible ang pangkalusugang serbisyo sa mga ospital at sentrong pangmedisina.
Bilang isa sa mga pangunahing general at trauma hospitals sa lalawigan, nagpapatuloy ang CFERMTC sa matatag na pakikipag-ugnayan sa PhilHealth upang matiyak na ang mga pasyenteng dumudulog sa kanilang pasilidad ay nakatatanggap ng de-kalidad, episyente, ligtas, at makataong serbisyong medikal.
Kabilang sa mahahalagang aspeto ng kanilang kolaborasyon ang:
• Mas maayos at mas sistematikong pag-avail ng inpatient at outpatient benefits para sa mga pasyente;
• Pagpapahusay sa claims processing upang mas mapabilis ang paglabas ng mga benepisyo at maiwasan ang pagkaantala;
• Pagtitiyak sa tamang patient navigation, gabay, at impormasyon upang ganap na maunawaan ng mga pasyente ang kanilang karapatan at benepisyo bilang PhilHealth members;
• Patuloy na pakikiisa sa pagpapatupad ng Universal Health Care sa lalawigan ng Pangasinan at buong Rehiyon 1.
Sa programang “Alagang PhilHealth,” muling binigyang-diin ang layunin ng PhilHealth na ipadama ang tunay na malasakit sa bawat Pilipino—mula sa malinis at komportableng pasilidad, hanggang sa libreng serbisyong medikal at gamot para sa lahat ng pasyenteng sakop ng kanilang benepisyo.
Binigyang-pugay din ang CFERMTC sa kanilang walang sawang suporta at aktibong pakikilahok upang maihatid ang serbisyong pangkalusugan na nakasentro sa pangangailangan ng tao—serbisyong tapat, malinis, at may malasakit.
PhilHealth at CFERMTC — Katuwang sa Kalusugan, Kaagapay sa Serbisyong Bayan. Pasyente ang PINAKA IMPORTANTENG BISITA.
Credits to Radyo Pilipinas Tayug.