20/05/2026
DAR, BJMP, at mga ARBO Nagkaisa sa Paglagda ng Marketing Agreement sa Ilalim ng PAHP Program.
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Muling pinagtibay ngayong Mayo 20, 2026 ang matagal nang ugnayan at pagtutulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa isinagawang Kumustahan Session at Marketing Agreement Signing Ceremony sa Audio Visual Room (AVR) ng Mindoro State University (MinSU) Calapan Campus sa Brgy. Masipit, Calapan City.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Program na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon ng magsasaka upang mabigyan ng mas matatag na merkado ang mga produkto ng mga agrarian reform beneficiaries habang tumutulong din sa food security initiatives ng mga district jail sa Oriental Mindoro.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa DAR MIMAROPA, DAR Oriental Mindoro Provincial Office, BJMP Regional Office, mga district jail wardens ng Oriental Mindoro, at mga kinatawan ng ARBOs. Tampok din sa programa ang mga mensahe ng suporta mula sa iba’t ibang partner agencies at stakeholders, presentasyon ng Marketing Agreement, open forum, at pormal na paglagda sa kasunduan.
Sa pamamagitan ng naturang partnership, inaasahang mas mapapalawak ang oportunidad ng mga ARBO para sa tuloy-tuloy na pagbebenta ng kanilang mga produktong agrikultural habang pinagtitibay ang suporta ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga magsasaka at komunidad.
✍️ H. Tubigan
📸 H. Tubigan