15/06/2026
PORT LABORER, PATAY SA HINALANG PAGKALUNOD MATAPOS ATAKIHIN NG EPILEPSIYA SA DAGAT
NAIC, Cavite — Isang 31-anyos na port laborer ang nasawi matapos umanong malunod habang naghihintay ng paparating na bangkang pangisda sa bahagi ng dagat sa Brgy. Munting Mapino, Naic, Cavite, madaling-araw ng Sabado, Hunyo 14.
Kinilala ang biktima na si alyas "Richard", residente ng Purok Uno, Brgy. Timalan Concepcion, Naic, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng Naic Municipal Police Station (MPS), dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente habang magkasamang nakaantabay sa mababaw na bahagi ng dagat ang biktima at ang kanyang kapatid, kapwa port laborer sa Munting Mapino Fish Port.
Naghihintay umano ang magkapatid ng mga dumarating na fishing vessel upang i-unload at dalhin sa lokal na pamilihan ng isda o "bulungan" ang kanilang mga huli.
Ayon sa ulat, naunang nagtungo ang kapatid ng biktima sa bulungan upang maghatid ng kargang isda habang naiwan ang biktima sa dagat upang maghintay ng susunod na bangka.
Kalaunan ay hindi na umano nakita ang biktima hanggang sa matagpuan itong walang malay sa tubig.
Sa pahayag ng ina at kapatid ng biktima, napag-alamang may dati itong kondisyon na epilepsiya.
Dahil dito, pinaniniwalaang inatake ito ng seizure habang nasa tubig, dahilan upang mawalan ng malay at tuluyang malunod.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Naic MPS at mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Narekober ang biktima at isinugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital para sa agarang lunas.
Gayunman, idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dra. Gomez dakong alas-1:41 ng madaling-araw.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng kaukulang beripikasyon at dokumentasyon ang mga awtoridad kaugnay ng insidente.
Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad sa mga manggagawang may karamdaman na mag-ingat at tiyaking may kasama sa mga lugar na maaaring magdulot ng panganib, lalo na sa mga katubigan at lugar ng trabaho
via Cavite Press Corps