09/07/2026
❤️❤️❤️
Team Aniel: Bagong Mukha ng Pamumuno para sa Kabataan ng Barangay Buli
Harold C. de Mesa | The Profiler
Habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026, isa sa mga grupong unti-unting nakikilala sa Barangay Buli, Muntinlupa ang Team Aniel, na tumatakbo sa ilalim ng Partido Gilas sa pangunguna ng aspiranteng Punong Barangay na si Popot Lopena Jr.
Pinamumunuan ni SK Chairman aspirant Aniel Diaz ang koponan, kasama ang mga kandidato sa pagka-SK Kagawad na sina Elisa Sales, Irish Mae Landrito, John Andrei Quising, Kenneth Eliseo, Nicole Pamintuan, Ruth Rongavilla Chavez, at Sha Arenas.
Sa panayam ng The Profiler, sinabi ng Team Aniel na nakatuon ang kanilang plataporma sa transparency, aktibong partisipasyon ng kabataan, sports development, environmental programs, at mga proyektong magbibigay ng mas maraming kaalaman at oportunidad sa mga kabataan ng Barangay Buli.
Bago pa man ang opisyal na panahon ng kampanya, naging aktibo na ang grupo sa iba't ibang gawaing pangkomunidad, kabilang ang pakikilahok sa Brigada Eskwela, Proyektong Punla, at mga konsultasyon sa mga residente. Para sa kanila, mahalagang marinig ang boses ng kabataan at maging bahagi sila sa pagbuo ng mga programang direktang tutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Ayon sa grupo, isa sa kanilang pinakamalaking lakas ang pagkakaroon ng mga miyembrong may magkakaibang kakayahan ngunit iisa ang layunin—ang magsilbi nang may integridad, pananagutan, at malasakit sa komunidad. Dagdag pa nila, layunin nilang isulong ang isang Sangguniang Kabataan na bukas sa pakikinig, malinaw sa paggamit ng pondo, at aktibong lumilikha ng mga programang makatutulong sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga lider.
Ibinahagi rin ng Team Aniel na nakatatanggap sila ng suporta mula kay Jonas Abadilla, ang kasalukuyang SK Chairman ng Barangay Buli at SK Federation President ng Muntinlupa. Ayon sa kanila, nagsisilbi itong inspirasyon upang ipagpatuloy ang mga inisyatibang nakatuon sa kapakanan ng kabataan.
Habang papalapit ang BSKE 2026, patuloy na inilalahad ng Team Aniel ang kanilang mga adbokasiya sa iba't ibang sektor ng komunidad. Sa huli, nasa kamay pa rin ng mga botante ang pagpapasya kung sino ang kanilang pagkakatiwalaang mamuno at magsulong ng mga programang para sa kinabukasan ng kabataan ng Barangay Buli.
Sa mga susunod na araw, kikilalanin natin ang bawat kandidato sa pagka-Sangguniang Kabataan (SK) Kagawad ng Team Aniel sa pamamagitan ng isang eksklusibong panayam. Abangan ang kanilang mga kuwento, adbokasiya, at mga layuning isinusulong para sa kapakanan ng kabataang nais nilang paglingkuran.
Mananatiling bukas ang pahina ng The Profiler para sa lahat ng aspirante sa BSKE 2026.
The Profiler Exclusive
Masinsinan. Matapang. Walang Tinitagong Kuwento.