12/06/2026
IKA-128 ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN NG PILIPINAS
Buong pagmamalaking ginunita ng Bayan ng Matuguinao ang Ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong Hunyo 12, 2026 sa Municipal Cultural Center.
Nagsimula ang pagdiriwang sa isang makulay na parada na nilahukan ng Matuguinao Municipal Police Station ng Philippine National Police (PNP), 33rd Special Action Company ng Philippine National PoliceβSpecial Action Force (PNP-SAF), 43rd Infantry Battalion ng Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP)βMatuguinao Fire Station, mga opisyal at kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Matuguinao sa pangunguna ni Punong Bayan Hon. Aran dela Cruz Boller at mga kasapi ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Pangalawang Punong Bayan Hon. Cleofe C. Belonio, mga kawani ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), mga mag-aaral, mga Punong Barangay, Matuguinao Federation of Senior Citizens Association, Child Development Workers, at mga kinatawan ng iba't ibang Civil Society Organizations.
Kasunod nito ay isinagawa ang Pagtataas ng Watawat bilang pagpapakita ng paggalang at katapatan sa Republika ng Pilipinas. Sinundan ito ng Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas at Pagpupugay sa Watawat bilang pagpapatibay ng ating pagmamahal at pagkilala sa ating pambansang pagkakakilanlan.
Bilang paggunita sa kabayanihan ng ating mga ninuno, pinangunahan ni Mayor Hon. Aran dela Cruz Boller ang pag-aalay ng bulaklak sa ating mga Bayani bilang tanda ng taos-pusong pag-alala, pasasalamat, at pagkilala sa kanilang sakripisyong nagbigay-daan upang makamit ang kalayaang tinatamasa natin sa kasalukuyan.
Nagkaroon din ng sama-samang pag-awit ng βAng Bayan Koβy Tanging Ikawβ na nagpaalala ng ating pagmamahal sa bayan, pagkakaisa, at patuloy na paninindigan para sa kalayaan.
Sa pagbubukas ng programa, naghatid ng kanyang pambungad na mensahe si Pangalawang Punong Bayan Hon. Cleofe C. Belonio, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pag-alala sa kasaysayan at pagpapatuloy ng diwa ng pagiging makabayan sa kasalukuyang henerasyon. Nagbigay rin ng natatanging pagtatanghal ang BIDLISIW Chorale na nagdagdag ng kulay at inspirasyon sa pagdiriwang.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Hon. Aran dela Cruz Boller ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagmamahal sa bayan, at sama-samang pagkilos tungo sa patuloy na pag-unlad ng Matuguinao. Kanyang binanggit na kamakailan lamang ay matagumpay na naideklara ang Bayan ng Matuguinao bilang may Matatag na Kalagayang Pangkapayapaan at Panseguridad o Stable Internal Peace and Security (SIPS). Ayon sa kanya, hindi dapat magtapos sa deklarasyong ito ang ating hangarin para sa kalayaan. Ang tunay na diwa ng kalayaan ay maisasabuhay at mapananatili lamang kung magpapatuloy ang pagkakaisa, pagkakaunawaan, at sama-samang pagkilos para sa kapayapaan at kaunlaran ng bayan.
Sa pagtatapos ng programa, naghatid ng pangwakas na mensahe si Sangguniang Bayan Member Hon. Valentin B. Morillo, na nagpaalala sa lahat na ang kalayaan ay dapat pangalagaan at isabuhay sa araw-araw sa pamamagitan ng malasakit, disiplina, at pagmamahal sa kapwa at bayan.
Ang pagdiriwang na ito ay nagsilbing paalala na ang kalayaang ating tinatamasa ngayon ay bunga ng sakripisyo ng ating mga bayani. Nawaβy patuloy natin itong pahalagahan at gamitin bilang inspirasyon sa patuloy na pagpapatatag ng isang mapayapa, maunlad, at nagkakaisang Bayan ng Matuguinao.
Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Bayan ng Matuguinao!
Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.