06/07/2026
PANAGUTIN SI SARA DUTERTE!
Nakatakdang simulan ang impeachment trial laban kay Sara Duterte kaugnay ng mabibigat na paratang ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, mga iregularidad sa Department of Education, at mga bantang pagpaslang laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan. Ang mga paratang na ito ay hindi dapat ibaon sa teknikalidad at pampulitikang maniobra. Kailangang mailantad ang katotohanan at mapanagot si Duterte sa paggamit niya ng kapangyarihan at pondo ng bayan.
Ang daan-daang milyong pisong ginastos at inilagay sa ilalim ng “confidential funds” ay salaping nagmula sa mamamayang araw-araw na nakikipagbuno sa mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at kakulangan ng serbisyong panlipunan. Habang nagtitiis ang mga g**o at estudyante sa kakulangan ng silid-aralan, kagamitan, at suporta, patuloy na pinagkakaitan ang mamamayan ng malinaw na paliwanag kung saan at paano ginamit ang pampublikong pondo. Hindi pribadong kaban ng sinumang opisyal ang salapi ng bayan.
Gayunman, hindi nagiging malinis ang kampo ni Marcos Jr. dahil lamang sa pag-usig nito sa karibal na paksyon. Ang impeachment ay nagaganap sa gitna ng patuloy na kawalang-pananagutan ng kasalukuyang rehimen sa mga maanomalyang proyekto, kabilang ang mga flood-control project, at sa malawakang korapsyon, militarisasyon, at paglabag sa karapatang pantao. Dating magkaalyado ang mga Marcos at Duterte sa pag-agaw at pagpapanatili ng kapangyarihan; ang kanilang kasalukuyang bangayan ay hindi laban para sa interes ng sambayanan kundi tunggalian ng dalawang naghaharing dinastiya para sa kontrol sa gobyerno.
Hindi rin maaaring lubos na ipagkatiwala sa Senado, Kamara, at iba pang institusyon ng estado ang pagkamit ng hustisya. Ang mga institusyong ito ay pinaghaharian ng mga dinastiyang politikal, malalaking negosyante, panginoong maylupa, at burukrata-kapitalistang ginagawang negosyo ang pamahalaan. Paulit-ulit nilang ginagamit ang batas at mga prosesong burukratiko upang protektahan ang mga kakampi, patawarin ang makapangyarihan, at biguin ang lehitimong panawagan ng mamamayan para sa pananagutan.
Kapwa traydor sa sambayanang Pilipino ang mga paksyong Marcos at Duterte. Kapwa nila pinananatili ang korap, pasista, at papet na estadong nagsisilbi sa interes ng naghaharing uri at imperyalistang Estados Unidos. Habang patuloy ang kanilang bangayan, nananatiling bansot ang pambansang ekonomya, walang sapat na lupa at kabuhayan ang mamamayan, at inilalantad ang bansa sa higit na panghihimasok militar, pampolitika, at pang-ekonomya ng dayuhan.
Mahigpit nating bantayan ang paglilitis, ilantad ang mga pagtatangkang pagtakpan ang katotohanan, at ipanawagan ang pananagutan ng parehong paksyong Marcos at Duterte. Kapag muling binigo ng mga prosesong burukratiko ang sambayanan, punuin natin ang mga lansangan at gawing espasyo ng pagmumulat, pag-oorganisa, at pagkilos ang bawat paaralan, komunidad, at lugar-paggawa.
PANAGUTIN AT PATALSIKIN SI SARA DUTERTE!
SINGILIN AT PATALSIKIN SI MARCOS JR.!
WAKASAN ANG KORAP, PASISTA, AT PAPET NA PAMAMAHALA!