24/04/2026
Mariing kinukondena ng College of Public Health Student Counci (CPHSC) ang pagpaslang kay Alyssa Alano, ang kasalukuyang Education and Research Councilor ng UP Diliman University Student Council, ng 79th Infantry Battalion sa pagsalakay nila sa Taboso, Negros Occidental. Nagresulta rin ito sa sapilitang paglikas ng mahigit 68 pamilya at 653 na indibidwal mula sa kanilang mga tahanan.
Ang Negros ay isa sa mga lugar na nasa ilalim ng madugong militarisasyon at pang-aalipusta ng militar, na siyang pinaigting ng Memorandum Order 32 na pinapatupad diumano para ma-”suppress and prevent lawless violence”. Ngunit, ang katotohanan ay isa lamang itong pruweba ng pagsuporta ng gobyerno sa pagkamkam ng lupain ng mga panginoong may lupa sa Negros.
Buong lakas naming kinokondena ang mga diskusyong namamahiya at nagbibintang sa biktima, isang malinaw na uri ng harassment at redtagging lalo na ang mga minaling impormasyon o malinformation na pinakakalat ng iba’t ibang grupo tungkol kay Alyssa na siya di umano ay isang armed combatant. Ang mga kasinungalingan na ito, na ginagatungan ng AFP at at NTF-ELCAC, ay kasama sa taktika nilang pananakot sa mga lider-estudyante ang mga aktibista. Marami nang buhay ang kinitil ng gobyernong manunupil, ihalimbawa na natin ang pinaslang na si Dr. Bobby dela Paz, Leonard Co, at Chad Booc.
Bilang mga iskolar ng bayan, dumadaloy sa ating dugo ang pagnanais na matuto at magbigay serbisyo sa loob o labas man ito ng paaralan. Pinili ni Alyssa na lumubog sa komunidad at alamin ang ‘lived realities’ ng mga mamamayan ng Negros. Pinagsilbihan niya ang mga sapilitang binabaon sa lupa ng mga pasistang pwersa. Pinatay siya habang ibinabahagi niya ang dangal, husay, at serbisyo sa mga mamamayang halos kalimutan nang kalingain ng pamahalaan.
Sama-sama nating tutulan ang pasismo at imperyalismo. Tulad ng tapang at talino na ipinamalas ni Alyssa, manatili tayong militante sa pagdedemanda ng hustisya para sa mga naapektuhan ng mga berdguong AFP, at ng rehimeng Marcos-Duterte. Kailanman ay hindi masisiil ang diwa ng serbisyo ng mga iskolar ng bayan!
Hustisya para kay Alyssa!
Hands Off Negros!