30/03/2026
Isang mainit at taos-pusong pagbati sa ating mga minamahal na mag-aaral na magsisipagtapos
ngayong taon 2026.
Bilang isa sa mga opisyal at kasapi ng Sangguniang Bayan ng Culion, lubos ang aking kasiyahang masaksihan ang bunga ng inyong sipag, tiyaga at pagtitiis sa pag-aaral. Nagbunga na ang inyong puyat, pagod at sakripisyong inyong pinagdaanan sa mga nakalipas na taon. Ang pagtanggap ng inyong diploma ay patunay ng inyong pagsusumikap at isang karangalang dapat ipagmalaki.
Sa mahalagang araw na ito, nawa'y buong galak ninyong pasalamatan, higit sa lahat, ang ating Panginoon, sa kaniyang walang hanggang pagsubaybay at paggabay sa inyong paglalakbay. Bilang kasunod ay ang inyong mga magulang sa kanilang pagsisikap at pagsasakripisyo upang maibigay ang inyong pangangailan sa inyong pag-aaral. Marapat din na pasalamatan ang inyong mga g**o na walang sawang gumabay, umunawa at humubog sa inyong talino, kakayahan at kaalaman. Huwag din ninyong kalimutang pasalamatan ang inyong mga kaibigan na naging kaagapay ninyo sa mga hamon ng inyong buhay estudyante.
Sa inyong paglisan sa inyong kasalukuyang antas ng pag-aaral, baunin ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng leksiyon at karanasang inyong natutunan sa loob ng apat na sulok at kanto ng inyong paaralan. Alalahanin ninyo na ang inyong pagtatapos ay hudyat ng bagong simula ng isang panibagong hakbang sa pag-abot ninyo sa inyong mga pangarap. Patuloy pa ninyong pag-ibayuhin ang pagsisikap at determinasyon na linangin ang inyong kakayahan, talino at kaalaman para sa inyong sariling pag-unlad at ng inyong pamayanan.
Naniniwala akong magtatagumpay kayo sa susunod na yugto ng inyong buhay. Sa panahon ng inyong tagumpay, nawa'y huwag ninyong kalimutan kung saan kayo nagmula, sapagkat ipinagmamalaki kayo ng bayan ng Culion. Kung ang kabiguan ay hindi maiwasan dahil sa dami ng mga samu't saring suliraning pampamilya at pambayang dinaranas ng ating bansa lalo na ngayong panahon ng krisis dahil sa digmaan sa Gitnang Silangan, huwag ninyong kalimutan na ang ating pamahalaang bayan ay bukas-palad na handang tumulong sa abot ng aming makakaya.
Muli, isang pagbati sa lahat ng magsisipagtapos sa Taong Pampanuruan 2025-2026.
Pagbati mula sa inyong lingkod,
SB Onac Alcantara