28/05/2026
✨Ang kislap ng watawat mo'y tagumpay na nagniningning, 🇵🇭
🌞Ang bituin at araw niya, kailan pa ma'y di magdidilim.🎶
Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ay nakikiisa sa paggunita ng National Flag Days mula 28 Mayo hanggang 12 Hunyo, bilang pagpupugay sa kasaysayan, pagkakaisa, at diwa ng ating pagka-Pilipino.
Sa panahong ito, hinihikayat ang lahat na maayos na itaas, ipakita, at igalang ang Pambansang Watawat sa mga tahanan, tanggapan, at pampublikong pook—bilang tanda ng ating malasakit at pagpapahalaga sa mga sakripisyong nagbunsod ng ating kalayaan.
Ayon sa Sagisag Kultura ng Pilipinas (2013), ang Pambansâng Watâwat ay unang iwinagayway sa Kawit, Cavite noong 12 Hunyo 1898 bilang simbolo ng ating kalayaan mula sa pananakop. Si Marcela Mariño de Agoncillo, isang babaeng may pagmamahal sa bayan na may talento sa pananahi, ang pinakiusapan ni Hen. Emilio Aguinaldo na gawin ang watawat. Ang disenyo nitó ay nagmula sa masuring diskusyon at pag-aaral ni Aguinaldo kasáma ang iba pang mga pinunò, at tinawag nilá itong “Ang Araw at Mga Bituin.” Ang bawat kulay, hugis, at disenyo ng watawat ay may simbolong kaakibat. Ang putîng triyanggulo sa kaliwa ay sumasagisag ng pag-asa sa pagkakapantay-pantay, ang asul na kulay sa itaas ay sumisimbolo ng kapayapaan, katotohanan, at hustisya, hábang ang puláng kulay sa ibabâ ay nangangahulugan ng pagmamahal sa bayan at kagitingan. Ang araw sa gitna ng putîng triyanggulo ay may walong sinag na kumakatawan sa unang walong probinsiya na lumaban sa Espanya: Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, at Batangas. Hábang ang tatlong bituin sa bawat sulok ng tatsulok ay kumatakatawan sa tatlong pangunahing pulô sa ating bansa: ang Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang watawat ay hindi lamang sagisag ng bansa, kundi paalala ng ating kolektibong kasaysayan at patuloy na paghubog ng ating kinabukasan bilang isang sambayanan.
Itaas natin ito nang may dangal at paggalang.