05/11/2025
Rain or shine ang pasismo ng estado! Imbes na ikulong ang mga kurakot, walang humpay ang atake ni Marcos Jr. sa kabataan at mamamayang Pilipino!
Ngayong araw, Nobyembre 5, 2025, ganap na 7:06 am hanggang 7:47 am, si Neil Velez ay binuntutan at hinarass ng hinihinalang pwersa ng estado na nakamotor. Si Neil ay ang regional coordinator ng Kabataan Partylist Northern Mindanao. Siya ay isang lider-estudyante ng Xavier University, Cagayan de Oro City, kumukuha ng BS Education major in English, at aktibong nakikibaka para sa alternatibong pulitika. Mula sa elektoral na pakikibaka hanggang sa mga pambansang kampanya para sa karapatan at kagalingan ng kabataan at ng mamamayang Pilipino. Sa kaniyang mga kasama at kaibigan, siya ay kilala na may malakas na pananalig at buong puso na tumutulong sa may nangangailangan. Kayaβt nakakagalit ang pagbuntot at paniniktik sa kaniya na hindi lang nag-umpisa ngayong araw.
Noong Nobyembre 3, 2025, kahit bumabagyo, ay tiniktikan rin ang magulang ni Neil ng mga pwersa ng estado mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon. Malinaw ang layunin ng mga naniniktik. Ito ay para takutin at patahimikin ang mga kabataang kritikal kabilang na si Neil. Makikita na ang paniniktik kay Neil ay hindi lang nakaapekto sa kaniyang seguridad, kundi pati na rin sa kaniyang mga magulang.
Hindi maikakailang parehong pattern ng paninindak ang ginagawa ng estado, sa mga kritikal na kabataang hinainan ng subpoena dahil lang sila ay nagprotesta laban sa kurapsyon. Sa kabila ng propaganda ng administrasyong Marcos Jr. na para kuno sya sa karapatang-pantao, ay malala pa rin ang pamamasismo ng kanyang mga kapulisan at kasundaluhan sa mamamayang Pilipino. Hanggang ngayon wala paring mga kurakot ang nakukulong, habang ang mga kabataan at mga ordinaryong mamamayan ang dinadahas at tinatakot ng PNP at AFP, kasama na ng NTF-ELCAC. Imbes na gamitin ang pondo sa paglutas ng mga problema tulad ng isyu sa edukasyon at kakulangan ng serbisyong pangtao, ito ay kinokorap ng mga politiko at ginagamit sa mga ahensiyang nagpapatahimik ng mga aktibista.
Panawagan ng Kabataan Partylist Northern Mindanao (KPL NMR) na itigil na ang paniniktik kay Neil at ng iba pang aktibista at progresibong mamamayan. Dapat din itigil ang mga confidential intellegence funds na gigamit para maniktik sa mga aktibista at gamitin ang pondong ito para sa mga serbisyong pangtao. Hinihimok ng KPL NMR ang mga kabataan at ordinaryong mamamayan na labanan ang pasismo ng estado at ni Marcos Jr.