01/06/2026
Ngayong araw ay ginanap ang unang Flag Raising Ceremony para sa buwan na ito na pinangunahan ng Sangguniang Barangay ng Bagumbayan. Naging pagkakataon ito upang muling pagtibayin ang pagkakaisa ng komunidad at maibahagi ang mahahalagang programa at aktibidad na nakalaan para sa ating mga kabarangay.
Kasabay nito ang pormal na pagbubukas ng Brigada Eskwela 2026, isang programang naglalayong pagandahin, gawing ligtas, malinis, at mas maayos ang bawat silid-aralan upang matiyak na handa ang ating mga paaralan para sa panibagong taon ng pag-aaral.
Bilang pakikiisa sa adhikaing ito, ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Bagumbayan, sa pangunguna ni SK Chairperson Ava Victoria, kasama si SK Kagawad Edward Santillan Aguila at ang buong konseho, ay nagbigay ng buong pusong suporta sa Brigada Eskwela. Bilang karagdagang tulong sa ating mga paaralan, nagsagawa rin tayo ng turnover ng mga pintura para sa CP Sta. Teresa Elementary School at Bagumbayan National High School upang makatulong sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad.
Naniniwala ang Sangguniang Kabataan na ang pagkakaroon ng malinis, maayos, at ligtas na kapaligiran sa paaralan ay mahalagang bahagi ng paghubog ng mas magandang karanasan sa pag-aaral ng bawat mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng paaralan, mga magulang, mga opisyal ng barangay, at ng buong komunidad, masisiguro nating magiging handa ang ating mga paaralan sa pagbubukas ng klase.
Maraming salamat sa lahat ng nakiisa at tumulong sa Brigada Eskwela 2026. Sama-sama nating suportahan ang edukasyon at kinabukasan ng ating mga kabataan para sa mas maunlad na Barangay Bagumbayan. 🩷