11/08/2026
REGISTRATION NG NATIONAL ID SA PALUNGKADA, MATAGUMPAY NA ISINAGAWA NG PSA
Isang matagumpay na registration para sa Philippine Identification System (PhilSys) o National ID ang isinagawa para sa mga mag-aaral ng Palungkada noong Lunes, Agosto 10.
Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng mga kinatawan mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na sina Marko A. Buerano at Rashel Collin B. Pudoc. Layunin ng inisyatibong ito na mailapit sa mga estudyante ang serbisyo ng gobyerno at matiyak na ang bawat mag-aaral ay magkaroon ng opisyal na pambansang pagkakakilanlan.
Sa pamamagitan ng mobile registration na ito, mabilis at maayos na nakapag-proseso ng kanilang mga datos ang mga estudyante, kabilang ang pagkuha ng demographic information at biometric data tulad ng fingerprint, iris scan, at litrato.
Malaking tulong ang ginagawang ito ng PSA upang mas madaling makakuha ng opisyal na ID ang mga kabataan, na magagamit nila sa kanilang mga transaksyon sa paaralan, bangko, at iba pang ahensya ng pamahalaan.